Fungal Infections – Mga Sanhi, Sintomas, at Gamot

Categories: Conditions

Maraming uri ng fungi sa ating kapaligiran. Ilan sa kanila ay pwedeng kainin, katulad ng ibang uri ng kabute, at meron ding pwedeng gamitin sa paggawa ng gamot, pamatay-peste, at iba pa. Subalit, meron din namang mga uri ng fungi na hindi maganda ang naidudulot sa mga tao, hayop, at halaman. Halimbawa, merong mga fungi na nakakasira ng mga pananim gulay at punongkahoy. Meron ding mga fungi na pwedeng maging sanhi ng impeksyon.

fungal infection

Ano ang Sanhi ng Fungal Infections?

Maraming uri ng fungi ang pwedeng magdulot ng iba-ibang sakit, katulad na lamang ng aspergillus, blastomyces, at candida. Subalit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nagkakasakit ang mga taong nae-expose sa mga fungi. Madalas, ang mga nagkakaroon lamang ng fungal infection ay ang mga:

  • na-expose sa sobrang daming fungi
  • may mahinang immune system
  • nasa isang lugar kung saan may outbreak ng fungi

Sa ilang mga kaso, nagkakaroon ng impeksyon o sakit ang isang tao dahil sa pagkakaroon ng fungi ng tamang environment para tumubo at dumami. Halimbawa, tumutubo ang fungi na dermatophyte sa mainit at mamasa-masang lugar. Kapag namahay ang dermatophytes sa medyas at sapatos at patuloy kang na-expose dito, pwede kang magkaroon ng alipunga o athlete’s foot.

Anong Bahagi ng Katawan ang Pwedeng Magkaroon ng Fungal Infection?

Madalas na makikita sa mga commercial ng mga anti-fungal cream at katulad na gamot na ang fungal infection ay nakakaapekto sa paa at singit (athlete’s foot at hadhad). Subalit, marami pang ibang bahagi ng katawan ang pwedeng tubuan o magkaroon ng fungal infection. Isang magandang halimbawa nito ang impeksyon na dulot ng candida na pwedeng kumalat mula sa bibig at lalamunan papunta sa spinal cord at utak.

Ilan pa sa mga bahagi ng katawan na pwedeng maapektuhan ng fungal infection ang mga sumusunod:

  • buhok at anit
  • balat
  • dugo
  • baga
  • vagina
  • tiyan at bituka

Ano ang mga sintomas ng fungal infection?

Sa kasamaang palad, maraming sintomas ng fungal infection ang katulad ng sa ibang sakit. Dahil dito, mas mabuting magpunta kaagad sa doktor kung may napansing sintomas na mukhang pangkaraniwan lamang pero hindi kaagad gumagaling o nagre-respond sa gamutan.

Ilan sa mga pangkaraniwang sintomas na kailangang bantayan ang:

  • kakapusan ng hininga at iba pang sintomas ng hika
  • paninikip ng dibdib
  • pananakit ng mga kasukasuan at kalamnan (joint at muscle)
  • makati at makaliskis na balat
  • pagpapawis sa gabi, lalo na kapag matutulog
  • biglaang pagbaba ng timbang
  • paulit-ulit at matinding pananakit ng ulo
  • pakiramdam na labis na pagkapagod

Hangga’t maaari, sabihin sa doktor ang lahat ng impormasyon na pwedeng may kinalaman sa sakit. Halimbawa, may mga fungal infection na pwedeng maipasa sa iba sa pamamagitan ng sex. Maging tapat sa iyong doktor para mabilis na ma-diagnose ang sakit at mabigyan ng gamot, fungal infection man ito o hindi.

Ganunpaman, meron pa ring mga sintomas ng fungal infection na madaling mapansin o ma-identify. Halimbawa, kung may rashes sa pagitan ng mga daliri ng paa at naninilaw ang mga kuko sa paa ng pasyente, malamang na meron siyang athlete’s foot at fungal infection sa kuko.

Anu-Ano ang mga Uri ng Fungal Infection?

Maraming uri ng fungal infection dahil marami ring uri ng fungi ang pwedeng magdulot ng sakit. Narito ang ilan sa mga pangkaraniwang uri ng fungal infection:

Ringworm

Isa ang ringworm sa mga pinaka-karaniwang uri ng skin infection. Kahit na “ringworm” ang pangalan nito, hindi ito dulot ng mga uod o bulate. Sa halip, ang pangalan na ito ay mula sa pabilog na hugis ng makati at mapulang rashes na namumuo sa balat. Ang ringworm ay kadalasang dulot ng dermatophyte na fungi, na siya ring sanhi ng iba pang karaniwang fungal infection sa katawan katulad ng athlete’s foot.

Aspergillosis

Ang aspergillosis ay isang impeksyon dulot ng Aspergillus fungi, isang uri ng amag. Halos lahat ng tao ay nakakalanghap ng spores ng Aspergillus dahil napaka-karaniwan ng fungi na ito. Gayunpaman, hindi nagkakasakit ang karamihan dahil kayang labanan ng kanilang immune system ang impeksyon. Ngunit kung mahina ang iyong immune system o kaya ay meron kang sakit sa baga, mas malaki ang risk na magkaroon ka ng aspergillosis. Pwede ring magdulot ng allergy at impeksyon sa iba-ibang organs ang Aspergillus.

Blastomycosis

Maraming uri ng fungi na pwedeng mamuo at mamahay sa mga nabubulok na bagay at sa mamasa-masang lupa. Kasama na riot ang fungi na Blastomyces. Pwede itong maging sanhi ng impeksyon na tinatawag na blastomycosis, kung saan nagkakaroon ang pasyente ng mga sintomas na katulad ng sa flu. Kapag hindi naagapan ang blastomycosis, pwedeng kumalat ang impeksyon papunta sa ibang bahagi ng katawan, lalo na sa mga buto at balat. Kapag nangyari ito, mas mahirap nang magamot ang impeksyon at maaaring maging dahilan ng pagkamatay ng pasyente.

Candidiasis

Ang candidiasis ay dulot ng Candida species ng fungi. Maraming uri nito ang hindi naman nakakapagdulot ng sakit, ngunit meron ding katulad ng Candida albicans na pwedeng maging sanhi ng impeksyon. Karaniwan ay namamalagi ang Candida fungi sa balat, bibig, lalamunan, at tiyan. Kapag sumobra ang dami ng fungi o kaya ay nakapasok ito sa ibang bahagi ng katawan, nagdudulot ito ng impeksyon. Ilan sa mga bahagi ng katawan na pwedeng maapektuhan ng candidiasis ay ang dugo, puso, at utak.

Fungal Nail Infection

Isang pangkaraniwang kondisyon ang fungal nail infection o tinatawag ding onychomycosis. Hindi naman ito seryoso at madali lang din itong magamot, pero may mga nakakaranas nito na minsan ay nakakaramdam ng pananakit sa apektadong kuko o daliri. Kapag meron kang fungal nail infection, nagiging madilaw, makapal, at madaling mag-crack ang kuko. Minsan ay humihiwalay din ang kuko sa nail bed.

Kung merong fungal nail infection ang isang tao sa kanyang mga kuko sa paa, malaki ang posibilidad na meron din siyang athlete’s foot.

Fungal Eye Infection

Hindi pangkaraniwan ang fungal eye infection, pero pwede itong mangyari at kung sakali ay isa itong malubhang kondisyon. Ang isang dahilan kung bakit nagkakaroon ng fungal infection sa mata ay kapag nagkaroon ng injury sa mata at nadapuan ito ng fungi. Ang pinakamadalas na maapektuhan ng fungal eye infection ay ang cornea (keratitis) at ang loob na bahagi ng mata (endophthalmitis).

C. neoformans

Isa ring rare na fungal infection ang C. neoformans. Pangkaraniwan lang ang fungi na ito, pero karamihan ng nae-expose dito ay hindi nagkakasakit. Pinakamataas ang risk ng C. neoformans infection sa mga taong may HIV o AIDS dahil sobrang hina ng kanilang immune system.

Ano ang Gamot sa Fungal Infections?

Maraming uri ng gamot para sa fungal infections, katulad ng mga cream, ointment, injection, syrup, capsule, o tableta. Meron ding tinatawag na “pessary.” Isa itong maliit na tableta na ipinapasok sa vagina kapag merong vaginal yeast infection.

Ilan sa mga madalas gamiting panggamot sa fungal infections ang mga sumusunod:

  • amphotericin
  • clotrimazole
  • econazole
  • fluconazole
  • ketoconazole
  • nystatin
  • miconazole
  • terbinafine

Paano Nada-Diagnose ang Fungal Infection?

Kung hindi gaanong obvious ang mga sintomas ng fungal infection, katulad ng sa alipunga, ang pinakamabisang paraan para ma-diagnose ito ay ang pagsailalim sa mga test. Kadalasan, ang ginagawa dito ay kumukuha ng sample mula sa apektadong bahagi ng katawan at pinag-aaralan para matukoy kung anong fungi ang sanhi ng sakit.

Ilan sa mga bahagi ng katawan na kinukunan ng sample o kinukuha bilang sample ang buhok, kuko, balat, at dugo. Depende sa mga sintomas, pwede ring kunan ng sample ang plema, ihi, vaginal secretions, at cerebrospinal fluid. Kung mga internal organ naman ang hinihinalang may impeksyon, pwede itong i-biopsy o kunan ng maliit na tissue sample.

Sa kaso naman ng fungal infection sa baga, pwedeng irekomenda ang pagpapa-X-ray para makita kung gaano kalaking bahagi ang naapektuhan.

Paano Makaiwas sa Fungal Infections?

Dahil kadalasang maliit at hindi nakikita ang mga fungi na nagdudulot ng impeksyon, mahirap na maiwasan ang mga ito. Ganunpaman, marami pa ring bagay ang pwedeng gawin para hindi magkaroon ng fungal infection hangga’t maari. Narito ang ilang tips:

  • Itapon kaagad ang mga pagkaing panis o nabubulok na para hindi malanghap ang amag na maaaring mamuo.
  • Panatilihing malinis ang katawan, lalo na ang mga bahagi na pangkaraniwang nagkakaroon ng fungal infection.
  • Para makaiwas sa athlete’s foot, panatilihing tuyo ang mga paa. Iwasan ang pag-ulit sa paggamit ng medyas at magsuot ng mga sapatos na hindi gaanong nakukulob ang mga paa.
  • Gumamit ng foot powder para mapanatiling tuyo ang paa sa loob ng medyas at sapatos.
  • Iwasang magsuot ng masisikip na damit at sapatos.
  • Huwag maglakad nang nakapaa, lao na sa mga CR at gym. Iwasan ding maglakad nang nakapaa sa mga carpet dahil pwedeng mamahay dito ang mga fungi.
  • Panatilihing maikli ang mga kuko para hindi makasingit ang dumi na posibleng may kasamang fungi.
  • Huwag mag-share ng mga damit at gamit sa katawan, lalo na ang tuwalya, underwear, medyas, at sapatos.
  • Iwasang bumili ng second-hand na sapatos. Kung bibili ng mga second-hand na damit at gamit, ugaliing linisin o labahan munang mabuti ang mga ito bago gamitin.
  • Kung may fungal infection at niresetahan na ng gamot, gamitin ito ayon sa instructions. Mahalagang tapusin din ang buong course of treatment para masiguradong walang maiiwang bakas (traces) ng fungi sa loob at labas ng katawan.

Depende sa uri ng fungal infection, pwedeng magdulot ito ng simpleng abala o inconvenience lamang o kaya ay malubhang komplikasyon. Kaya naman mahalagang malaman ang mga uri ng impeksyon na dulot ng fungi, para maagapan kaagad ang anumang sakit.

Mahalagang paalala: Ang lahat ng impormasyong nakalahad dito ay para lamang sa pagbabahagi ng kaalaman at ‘di dapat ituring bilang professional medical advice. Ugaliin pa rin kumonsulta sa iyong doktor bago uminom o gumamit ng kahit anong gamot.

Recommended Medicines

Search on blog